Tourism Promotions Board ibibida ang Pilipinas bilang world-class destination sa travel and trade event sa Berlin, Germany
Lalahok ang Pilipinas sa itinuturing na pinakamalaking travel and trade event sa buong mundo na gaganapin sa Berlin, Germany mula Marso 7 hanggang 9.
Ayon sa Tourism Promotions Board (TPB), ipapakilala nito at ng Department of Tourism (DOT) ang Pilipinas sa Internationale Tourismus-Börse (ITB) Berlin Convention bilang tourism powerhouse at world-class destination.
Pangungunahan nina Tourism Secretary Christina Garcia Frasco at TPB Chief Operating Officer Maria Margarita Montemayor Nograles ang delegasyon ng Pilipinas.
Kasama sa delegasyon ang 26 na tourism stakeholders mula sa pribadong sektor.
Itatanghal sa booth ng Pilipinas sa ITB Berlin 2023 ang mayaman na kultura at sustainable na turismo ng bansa.
Layunin din ng paglahok ng Pilipinas sa travel trade event na mapalakas ang global tourism branding ng bansa sa pamamagitan ng partnership opportunities sa iba’t ibang tourism stakeholders.
Tinatayang 160,000 bisita ang dadalo sa nasabing travel event.
Moira Encina