Tourism Sec. Puyat, kinastigo matapos payagang gumala sa mga tourist spot ang batang walang facemask at faceshield
Binatikos ni Senador Nancy Binay si Tourism Secretary Berna Romulo-Puyat dahil sa paglabag sa Health protocols.
Ito’y matapos ipost ng kalihim sa kaniyang social media account ang pag-iikot ng isang anim na taong gulang na bata sa mga tourist spot na walang suot na facemask at faceshield.
Sinabi ni Binay, Chairman ng Senate Committee on Tourism na paglabag ito sa ipinatutupad na health protocols.
Tinukoy ni Binay ang post ni Puyat sa kaniyang Instagram kasama ang anim na taong gulang na si Scarlet Snow Belo na bumababa sa eroplano at bumibisita sa ilang tourist site bilang isang Tourism promotion campaign na layong hikayatin ang publiko na mamasyal na.
Naiintindihan niya aniya ang layon ng kalihim na iangat ang bagsak na tourism industry ng bansa pero mali aniya ang paraan na ginawa nitong promotion.
Bilang opisyal ng pamahalaan dapat ito aniya ang nangunguna sa paghahatid ng tamang impormasyon o mensahe sa publiko.
Nagbibigay rin aniya ito ng maling senyales na maaari nang lumabas ang mga bata o menor de edad kahit ipinagbabawal pa ito ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Bagamat ginamit aniya ng DOT ang IATF Resolution 118-A na pinapayagan ang 18-taong gulang pababa at 65 taong gulang pataas na bumiyahe, dapat point-to-point lamang at taliwas ito aniya sa ginawa ng kalihim.
Statement Senador Binay:
“I understand fully the concern of Sec. Berna in helping the industry. Talagang dapang-dapa na ang ating industriya ng turismo, but what everyone saw in her IG post is a disturbing lapse of judgment that showcased a series of public health and IATF violations, Her intentions may be good but as a Cabinet member, the more na dapat alam niya kung ano ang mga ipinapatupad na regulasyon ng gobyerno. Bilang taga-gobyerno dapat conscious tayo if makakabuti o makakasama ang mga desisyon o aksyon natin, because you may be sending wrong signals to the public in showing that minors are already allowed to go visit tourist destinations”.
Meanne Corvera