Tourist arrivals sa bansa, halos 2M na – DOT
Tiniyak ng Department of Tourism (DOT) na handa ang Pilipinas na tumanggap ng mas maraming turista sa bansa.
Ito ang inihayag ni Tourism Secretary Christina Frasco sa tourism ministers at international travel and tourism executives sa Pacific Asia Travel Association (PATA) Aligned Advocacy Dinner sa London.
Ayon kay Frasco, nananatiling positibo ang outlook ng bansa sa turismo bunsod na rin ng suporta at pagbibigay prayoridad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa industriya.
Sa pinakahuling tala ng DOT nitong Nobyembre, umabot na sa 1.96 milyon ang mga turista na bumisita sa bansa mula Pebrero ngayong taon.
Mula sa nasabing bilang, nasa 1.4 milyon ang mga dayuhan at nasa 500,000 ang overseas Filipinos.
Lagpas na ito sa 1.7 million na target na turista sa pagtatapos ng 2022.
Pinakamarami sa mga dayuhang bumisita ay ang mga Amerikano, sumunod ang South Koreans, at pangatlo ang Australians.
Ibinahagi ng kalihim sa ibang tourism ministers ang mga hakbangin ng Marcos Government para magpatuloy ang positive trajectory ng tourist arrivals.
Isa na rito ang pag-alis sa pagbabawal sa unvaccinated foreigners sa Pilipinas at pag-obliga na lang sa mga turista na magprisinta ng negatibong antigen test.
Kaugnay nito, inilahad din ng kalihim ang ilan sa mga programa at inisyatiba ng Pamahalaang Marcos para mapaghandaan ang dagsa ng mga turista kasunod ng pagtanggal sa stringent travel protocols para sa mga bumibisita sa Pilipinas.
Moira Encina