Tourist Rest Area itatayo sa Baguio City
Lumagda na ng kasunduan ang Department of Tourism (DOT) sa Tourism Infrastructure Enterprise Zone Authority (TIEZA) at lokal na pamahalaan ng Baguio City para sa pagtatayo ng Tourist Rest Area (TRA) sa Summer Capital ng bansa.
Ang Tourist Rest Area sa Kennon Road, Benguet ang magiging kauna-unahan sa Luzon.
Magkakaroon ito ng malinis na restrooms, pasalubong center, at tourist information center.
Sa ilalim ng memorandum of agreement, ang TIEZA ang magtatayo ng TRA.
Sa oras na matapos ang TRA ay ang Baguio City LGU naman ang mangangasiwa sa operasyon at maintenance ng pasilidad.
Kaugnay nito, nagsagawa na ng groundbreaking ceremony para sa TRA sa bahagi ng Kennon Road na pinangunahan nina Tourism Secretary Christina Frasco, TIEZA Chief Operations Officer Mark Lapid, at Baguio City Mayor Benjamin Magalong.
Sinabi ni Frasco na ang TRA ay bahagi ng hakbangin ng DOT para ma-maximize ang domestic tourism at maging mas convenient ang pagbiyahe sa bansa ng mga turista tulad sa Baguio City.
Naitala na ang nasa 474,000 bisita sa Summer Capital sa unang 10 buwan ng 2022.
Moira Encina