Trade relations sa pagitan ng PH at Thailand, nasa US$11.2B noong 2022
Pinangunahan ni Thailand Ambassador to the Philippines Tull Traisorat ang 13th Thailand Week sa Pilipinas na magtatagal hanggang sa Linggo, Abril 2.
Ito ang unang Thailand Week na isinagawa on-site matapos ang tatlong taon mula nang magka-pandemya.
Dinaluhan din ito nina Trade Secretary Alfredo Pascual, Senadora Cynthia Villar, diplomats, at mga negosyanteng Pinoy at Thai.
Ayon sa organizer nito na Thai Trade Center in Manila, ang Thailand Week ang pinakamalaking Thai trade product show sa bansa sa loob ng mahigit isang dekada.
Nilahukan ito ng nasa 80 Thai at Pinoy exhibitors.
Tampok sa exhibition ang samu’t saring Thai products.
Kabilang dito ang milk tea at iba pang Thai food and snacks na pinaka popular sa mga Pilipino.
Umaasa ang Thai Trade Center na sa pamamagitan ng exhibit ay magkakahalubilo ang Pinoy companies at ang Thai investors para lalo pang ma-promote ang mga produkto at kultura ng dalawang bansa sa isa’t isa.
Ayon kay Ambassador Traisorat, aabot sa US$11.2 billion ang halaga ng trade sa pagitan ng Pilipinas at Thailand noong 2022 na lagpas sa naitala bago ang pandemya.
Tiwala ang Thai diplomat na mas lalakas pa ang ugnayan ng dalawang bansa lalo na sa ekonomiya, kultura at people-to-people exchange sa darating pang mga taon.
“As we approach the 75th anniversary of our diplomatic relations between Thailand and Philippines next year, we will redouble our efforts in promoting two way trade and investment and multi-levels of collaboration government- to- government, business- to-business, and people- to- people,” dagdag ni Ambassador Traisorat
May tourism booth din ang Thailand sa aktibidad para sa mga Pinoy na balak mag-biyahe sa kanilang bansa.
May mga performance shows din na matutunghayan ang mga bisita para mas makilala pa ang Thai culture.
Moira Encina