Trans Fat-Free Philippines isinulong
Umapila ang mga kinatawan ng Ang Probisyano Partylist sa Kamara na maipasa na ang panukala para sa pagbabawal ng produksyon at pagbebenta ng high trans-fatty acids.
Sina Ang Probinsyano Representatives Alfred Delos Santos at Ronnie Ong ay kapwa naghain ng magkahiwalay na panukala para sa regulasyon sa produksyon ng mga pagkaing may mataas na trans fat.
Ayon kay delos Santos, kasunod ng nangyayari ngayong COVID-19 Pandemic ay dapat mapagtuunan ng pansin ang kalusugan ng publiko lalo na at ang mga indibidwal na may comorbidities gaya ng sakit sa puso, high blood at iba pa ay mas prone sa virus infection.
Sa ilalim ng kanilang panukalang Trans Fat-Free Philippines Act, ipagbabawal ang paggawa, pagdistribute, at pagbebenta ng partially hydrogenated oil (PHOs) at oils at fats na may mataas na trans-fatty acids.
Nakasaad rin dito na dapat mapatawan ng parusa ang mga produkto na nagsasabing trans fat free pero hindi naman pala.
Paliwanag ni Delos Santos, ang mataas na konsumo sa TFA ay direktang nagdudulot ng mga problema sa puso tulad ng Coronary heart disease.
Ang TFA aniya ay binansagang ‘tobacco of nutrition’ dahil wala itong nutritional value at nakakamatay pa.
Bago pa aniya ang COVID-19, libo libo na ang namatay dahil sa sakit sa puso, kaya naman napapanahon ng aksyunan ito ng pamahalaan.
Madz Moratillo