Travel ban, aalisin na ng US para sa fully vaccinated passengers
Inanunsiyo ng Estados Unidos na tatanggalin na nila sa Nobyembre ang Covid travel bans sa lahat ng air passengers, kung sila ay fully vaccinated na at sumailalim sa testing at contact tracing.
Ayon kay Jeffrey Zients, coronavirus response coordinator para kay President Joe Biden . . . “The new consistent approach would take effect early November. Most importantly, foreign nationals flying to the US will be required to be fully vaccinated.”
Mananatili pa rin ang maraming restriksiyon para mapigilan ang pagkalat ng virus, na ikinamatay na ng higit sa 675,000 libong mga amerikano.
Hindi pa malinaw kung ang bagong panuntunan ay aplikable lamang sa US-approved vaccines, o kung kwalipikado rin maging ang ibang brand gaya ng gawa sa China o Russia.
Sinabi ni Zients na ang Centers for Disease Control (CDC) na ang magpapasya ukol dito.
Mananatili rin ang umiiral na restriksiyon sa galaw ng mga sasakyan na manggagaling sa Canada at Mexico.
Ayon kay Zients, kailangang magpakita ng pruweba ng mga pasahero na sila ay fully vaccinated na bago sumakay sa eroplano na patungong US, at maging ng pruweba ng isang negative Covid-19 test na kinuha sa nakalipas na tatlong araw.
Obligado pa rin ang pagsusuot ng mask sa mga biyaheng patungo sa US, habang bibigyan naman ng airlines ng contact tracing information ang US health authorities.
Pahayag pa ni Zients . . . “This new international travel system follows the science to keep American’ international air travel safe.”
Malugod namang tinanggap ng British at German officials ang pagtatanggal sa travel ban.
Ayon kay German ambassador to the United States Emily Haber . . . “It is great news. Hugely important to promote people-to-people contacts and transatlantic business.”
Ang naturang anunsiyo ay pinuri rin ng mga airline, na matinding tinamaan ng pandemic shutdown.
Ang hakbang ay ginawa ni Biden sa bisperas ng kaniyang pagsasalita sa UN General Assembly sa New York, kung saan ang pandemya ang magiging headline issue.