Travel ban ng Hong Kong sa Pilipinas, binawi na
Inaasahang makababalik na sa kanilang trabaho ang nasa higit 3,000 stranded Overseas Filipino Workers matapos bawiin ng gobyerno ng Hongkong ang travel ban sa Pilipinas.
Ito ang kinumpirma ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Pero nilinaw ni Labor Attaché Melchor Dizon na obligado pa ring sumailalim sa 14-day quarantine ang mga Pinoy pagdating sa nasabing bansa kahit pa fully vaccinated na.
Maliban dito, hindi papapasukin sa Hongkong ang mga dayuhang hindi pa fully vaccinated.
Dahil dito, hinikayat ni Dizon ang mga OFW sa Hongkong at nasa Pilipinas na magpabakuna kontra Covid-19 at samantalahin ang pagkakataong makapili ng brand ng bakunang nais nila.
May pagkakataon din aniya silang makakuha ng cash at iba pang incentives kung makapagpapabakuna na.
Ayonkay Dizon, sa 220,000 OFW sa Hongkong, wala pa sa 50% ang nababakunahan kahit pa nag-alok na ng incentive package ang gobyerno.
Ang Hongkong government ay nagbibigay aniya ng cash incentives sa mga migrant worker at bahay at kotse naman sa mga residenteng nabakunahan na.
Sa ulat ng bloomberg as of August 3, 2021, nasa 2.5 milyong indibidwal na ang nabakunahan sa Hongkong o katumbas ng 33% ng kanilang 7.5 milyong populasyon.