Travel ban pinalawak na rin hanggang sa mga katabing bansa ng India
Simula bukas, Mayo 7, magpapatupad na rin ng Travel ban ang Pilipinas sa mga pasahero na magmumula sa Pakistan, Bangladesh, Nepal at Sri Lanka na mga katabing bansa ng India.
Sa isang statement, sinabi ng DOH na maging ang mga pasahero na nanggaling sa mga nasabing bansa sa nakalipas na 14 na araw bago ang kanilang byahe sa Pilipinas ay hindi na rin papayagang makapasok sa bansa.
Ayon sa DOH, ang pinalawak na sakop ng travel ban ay kasunod ng bagong variant sa India na posibleng nagdulot umanonng ng surge ng Covid 19 cases sa nasabing bansa.
Kaugnay nito, tiniyak ng DOH na mahigpit ang kanilang monitoring sa lahat ng may travel history sa India na nakapasok sa bansa bago ang implementasyon ng travel ban.
May 149 pasahero ang naitala ng Bureau of Quarantine na mayroong travel history sa India mula Abril 1 hanggang 30.
Ang 129 rito ay returning Overseas Filipinos habang Foreign Nationals naman ang 20.
Tiniyak naman ng DOH na lahat ng ito ay isinailalim sa Quarantine at isinailalim sa COVID 19 testing pagsapit ng kanilang ika 6 o 7 araw sa Quarantine facility.
Sa mga nasabing pasahero na nakapasok sa bansa bago ang Travel ban, 5 ang nagpositibo sa COVID 19, habang negatibo naman ang 137.Sa mga nagpositibo sa virus, 1 ang nasa isolation facility pa habang bineberipika naman ang lokasyon ng 4 na iba pa.
Ipinadala naman na sa Philippine Genome Center ang sample ng mga ito para maisailalim sa sequencing.
Samantala, sinabi ng DOH na bineberipika pa nila ang resulta ng ginawang test sa 7 pang pasahero.
Nakikipag ugnayan na rin umano ang DOH sa mga lokal na pamahalaan at Regional Epidemiology and Surveillance Units para makakuha ng iba pang impormasyon sa kasalukuyang Health status ng mga ito.
Madz Moratillo