Travel ban sa mga bansang hinihinalang may bagong strain ng Covid-19, naragdagan pa
Pinalawak pa sa may 20 mga bansa ang ipinatutupad na travel ban sa mga bansang may bagong strain ng Covid-19.
Simula alas-12:00 ng hatinggabi ng December 29, hindi na papayagang pumasok sa Pilipinas ang mga pasaherong mula sa 20 mga bansang hinihinalang may bagong strain ng Covid-19.
Sa abiso ng Manila International Airport Authority (MIAA), sinabi nitong batay na rin ito sa desisyon ito ng Inter-Agency Task Force for the Management of Infectious Diseases bilang precautionary measure.
Sinabi rin ni Labor Secretary Silvestre Bello na ito’y para maiwasan ang pagpasok sa bansa ng sinumang turista na posibleng may dala ng pangalawang strain ng virus.
Kasama sa mga dayuhang bawal pumasok sa bansa ang mga nagmula sa:
United Kingdom, South Africa, Switzerland, Italy, Denmark, Israel, Hong Kong, Spain, Ireland, Netherlands, Singapore, Lebanon, Japan, Canada, Germany, Sweden, Australia, France, Iceland at South Korea.
Ang mga pasaherong in-transit o mga nakapasok na sa bansa bago ang travel ban ay obligadong sumailalim sa 14 days mandatory quarantine sa mga pasilidad na accredited ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Department of Tourism (DOT) kahit pa nag-negatibo sila sa RT-PCR test.
Tatagal ang ban hanggang January 15.
Paglilinaw naman ni Labor secretary Silvestre Bello papayagang pumasok ng bansa ang mga Pinoy na nanggaling sa naturang mga bansa pero sasailalim sila sa katulad na Quarantine procedures.
Meanne Corvera