Travel ban sa mga bansang may kaso ng Covid-19 new variant, pinalawig ng Malakanyang
Magpapatuloy ang pagpapatupad ng Pilipinas ng Travel ban sa mga bansang may naitalang kaso ng COVID 19 United Kingdom variant.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na pinagtibay ng Inter- Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) ang kahilingan na palawigin pa hanggang sa katapusan ng Enero ang travel ban na nagpaso ngayong January 15.
Ayon kay Roque inatasan din ng IATF ang Department of Transportation (DOTR) na higpitan ang monitoring sa mga Airline companies na pinagbabawalang magsakay ng mga pasaherong hindi pinapayagang makapasok sa bansa.
Inihayag ni Roque, hihigpitan din ang contact tracing kung saan kasama ang third generation contact ng mga nagpositibo sa COVID 19 at isasailalim sa mandatory 14-day quarantine.
Idinagdag ni Roque inaatasan din ng IATF ang Department of Interior and Local Government o DILG na obligahin ang mga Local Government Units na siguraduhing nakahanda ang kanilang mga isolation at quarantine facilities.
Kaugnay nito, tinagubilinan din ng IATF ang DOTR at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na maglagay ng one-stop shop monitoring facilities upang masiguro na naipapatupad ang lahat ng mga protocol para sa mga nagbabalikbayang OFWs.
Niliwanag ni Roque magsasagawa din ng weekly Genomic Bio-Surveilance activities ang Department of Health, University of the Philippines Genome Center at National Institute of Health upang maisaiailim sa pagsusuri ang mga specimen ng mga nagpositibo sa COVID-19 na mga pasaherong Pinoy na galing sa ibang bansa.
Vic Somintac