Travel bubble ng New Zealand sa Australia, itinigil muna
WELLINGTON, New Zealand (AFP) – Sinuspinde ng New Zealand ngayong Martes ang quarantine-free travel sa Victoria state ng Australia, sanhi ng bagong coronavirus cluster.
Ito na ang ika-apat na beses na nahinto ang trans-Tasman travel bubble mula nang magbukas ito noong nakalipas na buwan.
Ayon sa mga opisyal sa Wellington, ang hakbang ay bilang pag-iingat matapos makapagtala ng siyam na locally acquired cases ang Melbourne sa nakalipas na dalawang araw, na pinaniniwalaang may kaugnayan sa isang lumabas mula sa isang quarantine hotel.
Ayon kay New Zealand COVID-19 response minister Chris Hipkins, ang suspensiyon ay magkakabisa alas otso ng gabi ngayong Martes (oras sa New Zealand), at magtatagal ng hindi bababa sa 72 oras.
Ayon kay Hipkins . . . “The government understands the disruption will temporarily cause affected passengers. It was a close call but the correct one given the current unknowns.”
Napapanahon naman ang takdang pagbawi sa suspensiyon para sa Otago Highlanders-Melbourne Rebels Super Rugby match sa Queenstown, na dadaluhan ni New Zealand Prime Minister Jacinda Ardern at ng kaniyang Australian counterpart na si Scott Morrison.
Si Morrison ay nasa New Zealand para sa bilateral diplomatic talks.
Ito na ang ika-apat na beses na nahinto ang quarantine-free travel bubble mula nang buksan ito ng dalawang bansa noong April 18, halos 400 araw matapos isara ang kanilang international borders dahil sa pandemya.
Ang mga biyahe sa Western Australia ay dalawang ulit nang nasuspinde, at ang mga serbisyo sa New South Wales ay naapektuhan sa unang bahagi ng buwang ito.
Lahat ng Australian outbreaks ay sanhi ng infections na konektado sa mga hotel na ginamit para i-quarantine ang international travellers.
@ Agence France-Presse