Travel rules sa New Zealand, hinigpitan dahil sa pagkalat ng COVID-19 virus
Inanunsiyo ng New Zealand na magpapatupad ito ng mas mahigpit na border restrictions, matapos lumutang ang mga kaso ng COVID-19, sa mga lugar na dating walang mga kaso nito.
Ayon kay Covid-19 response minister Christ Hipkins . . . “We are introducing the requirement for air travellers ages 17 and over, who are not New Zealand citizens, to be fully vaccinated to enter New Zealand.”
Inanunsiyo rin ng national flag carrier na Air New Zealand, na magpapatupad sila ng “no jab, no fly” policy para sa mga pasahero sa lahat ng international flights simula sa Pebrero a-uno.
Malaki ang naging tagumpay ng bansa sa pagpigil sa virus, kung saan 27 lamang ang iniulat nitong namatay mula sa limang milyong populasyon, at ito ay dahil sa mahigpit na border controls at lockdowns.
Subalit ang pagpapatupad ng pinahigpit na border restrictions ay ginawa nang isailalim ang Hamilton City at katabi nitong Raglan town sa 5-araw na lockdown, matapos magpositibo ng dalawa katao.
Gayunman, hindi pinaniniwalaang konektado ito sa pinakahuling outbreak sa Auckland, na 160 kilometro ang layo.
Ang Auckland na may dalawang milyong populasyon ay halos pitong linggo nang naka-lockdown bunsod ng outbreak ng lubhang nakahahawang Delta variant na nakaapekto na sa 1,320 katao.
Ang New Zealand ay wala nang community transmission sa loob ng anim na buwan, bago naganap ang pinakahuling Auckland outbreak.