Tricyle drivers sa Taguig City dumaraing na sa hirap dulot ng pandemya
Dumaraing na sa hirap ang mga tricycle driver sa Taguig City, bunsod na rin ng muling pagpapatupad sa Enhanced Community Quarantine o ECQ sa NCR at apat na karatig lalawigan nito dahil sa mabilis na pagtaas sa bilang ng mga kaso ng COVID-19.
Apektado na anila ang kabuhayan ng mga nasa sektor ng pampublikong sasakyan kasama na ang mga tricycle driver.
Ayon sa kanila, halos wala na silang kinikita at naiuuwi sa kanilang pamilya dahil sa napakatumal na byahe, kung saan minsan ay tatlong oras silang naghihintay sa pila bago makabiyahe.
Ang iba naman ay dumaraing na hindi sila nabigyan ng ayuda o cash assistance na galing sa national government, nang unang ipamahagi ito na anila’y malaking tulong sana para sa kani-kanilang pamilya.
Sa ngayon ay umaasa sila na mabibigyan silang lahat ng ipanangakong ayuda mula sa lokal na pamahalaan ng lungsod, at maging mula sa national goverment .
Kaya nananawagan ang asosasyon ng mga tsuper ng tricycle sa pamunuan ng lungsod at sa National Government na mabigyan sila ng tulong.
Samantalam, sarado muna ngayong araw ang Vaccination center ng Taguig at magbubukas muli bukas, Sabado para sa mga pagbabakuna sa kanilang mga health worker at iba pang mga frontliner.
Ulat ni Archie Amado