Tropical Storm Fabian, hindi magdadala ng malalakas na pag-ulan pero posibleng palakasin ang Habagat
Lumakas pa bilang Tropical Storm ang bagyong Fabian.
Pero ayon sa PAGASA, hindi ito magdudulot ng malalakas na pag-ulan sa susunod na 24 oras.
Huling namataan ang bagyo sa layong 1,100 km East Northeast ng Extreme Northern Luzon, taglay ang hanging aabot sa 65 kph malapit sa gitna at pagbugso ng hanggang 80 kph.
Kumikilos ito pa-Hilaga, Hilagang-Kanluran sa bilis na 10 kph.
Samantala, isa pang Low Pressure Area (LPA) ang binabantayan ng Weather Bureau sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) na tinatayang nasa layong 740 km West ng Basco, Batanes.
Ang bagyong Fabian at ang LPA na ito ang humahatak at nagpapalakas sa Southwest Monsoon o Habagat na magdadala ng mga pag-ulan sa Palawan, Occidental Mindoro, Zambales, at Bataan sa susunod na 24 oras.
Habang ang ilang bahagi ng bansa kabilang ang Metro Manila, Ilocos Region, nalalabing bahagi ng MIMAROPA, Bicol, nalalabing bahagi ng Visayas, Zamboanga Peninsula, Zambales, Bataan, Cavite, Batangas, Laguna, Tawi-Tawi, Sulu at Basilan ay nakararanas ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog.
Inaasahang bukas o Lunes ng hapon ay lalakas pa ang bagyong Fabian at maaaring madevelop bilang isang severe Tropical Storm.
Posibleng lumakas pa ito bilang isang Typhoon Martes ng gabi habang patungo sa Southern portion ng Ryukyu Islands.
Pinag-iingat ang mga maglalayag sa karagatan dahil magiging mapanganib ang pag-alon sa susunod na 24 oras lalu na sa mga maliliit na sasakyang pandagat.