Tropical Storm “Rolly”, hindi na nakaaapekto sa bansa
Hindi na nakaaapekto sa bansa ang Tropical storm “ROLLY” (may international name na Goni), habang kumikilo palabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong umaga, Martes, Nov. 3.
Ayon sa PAGASA, hanggang kaninang alas-3:00 ng madaling araw, ang sentro ng Tropical Storm ROLLY ay tinatayang nasa 450 kilometro na sa kanluran ng Iba, Zambales taglay ang lakas ng hanging aabot sa 65 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 80 kilometro bawat oras.
Kumikilos ito ng pakanluran sa bilis na 15 kilometro bawat oras patungo sa western limits ng PAR.
Samantala, ang sentro ng Tropical Storm SIONY {may international name na Atsani} ay tinatayang nasa 595 kilometro sa silangan ng Calayan, Cagayan taglay ang lakas ng hanging aabot sa 75 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 80 kilometro bawat oras. Hindi pa rin ito halos gumagalaw.
Mayroon namang isang northeasterly Surface Windflow na nakaaapekto sa Northern Luzon.
Liza Flores