Trough ng LPA, nagpapaulan sa Silangang bahagi ng Visayas at Mindanao; Amihan umiiral naman sa Luzon
Ang extension o trough ng Low Pressure Area (LPA) ang nakakaapekto sa Silangang bahagi ng Visayas at Mindanao ngayong araw.
Ayon sa PAGASA, pumasok sa Philippine Area of Responsibility ang LPA kaninang alas-2:00 ng umaga at huling namataan sa 965 km. Silangan ng Mindanao.
Dahil sa trough ng LPA, asahan ang mahihinang pag-ulan sa bahagi ng Mindanao pero batay sa pagtaya ng PAGASA, mababa ang tsansa na madevelop ito bilang bagyo.
Partikular na makararanas ng kalat-kalat na pag-ulan, pagkidlat at pagkulog ang Silangang Visayas, Caraga, at Davao Region at may posibilidad ng pagbaha o pagguho ng lupa dahil sa malakas na ulan.
Samantala, Northeast Monsoon o Amihan ang umiiral sa Northern at Central Luzon na siya namang nagdadala ng pulu-pulo at mahihinang pag-ulan partikular sa Metro Manila, mga rehiyon ng ilocos, Cordillera, Cagayan Valley, Central Luzon at CALABARZON.
Wala namang nakataas na Gale warning sa ngayon sa alinmang baybayin ng bansa, gayunman, pinag-iingat ang mga maglalayag dahil ang trough ng LPA ay posibleng magdulot ng maalong karagatan lalu na sa Eastern section ng Visayas at Mindanao.
Ngayong araw, tinatayang maglalaro sa 23-30 degree celsius ang temperatura sa Metro Manila habang hanggang 23 degrees naman sa Baguio city.