Tsina itinanggi na direktang tinutukan ng military-grade laser ang mga Pinoy crew ng BRP Malapascua
Pawang hand-held laser speed detector at hand-held greenlight pointer umano ang ginamit ng barko ng China Coast Guard sa BRP Malapascua ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Ayungin Shoal noong Pebrero 6.
Sa regular press conference ni Chinese Foreign Ministry Spokesperson Wang Wenbin, itinanggi nito na tinutukan nang direkta ng lasers ng Chinese coast guard ang mga Pinoy crew na sakay ng PCG vessel.
Hindi rin aniya ito nagdulot ng pinsala sa anuman at sinuman sa barko ng Pilipinas.
Inihayag pa ni Wang na hindi sumasalamin sa katotohanan ang alegasyon ng Pilipinas.
Ayon pa kay Wang, ang mga nasabing hand-held equipment ay para masukat ang distansya at bilis ng barko ng PCG at para mag-senyales ng direksyon upang matiyak ang “navigation safety.”
Naipaabot na aniya ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian sa panig ng Pilipinas ang pangyayari.
Sinabi pa ni Wang na handa na makipagtulungan ang Tsina sa Pilipinas upang maayos na matugunan ang maritime issues sa pamamagitan ng friendly consultation at magkatuwang na mapanatili ang kapayapaan at katatagan sa rehiyon.
Moira Encina