Tsunami evacuation orders, inalis na ng New Zealand matapos ang malakas na lindol sa Pasipiko
WELLINGTON, New Zealand (AFP) — Tinanggal na ng New Zealand ang inisyung tsunami evacuation orders, at idineklarang nakalampas na ang pinaka malalaking alon, makaraan ang malalakas na offshore earthquakes.
Ayon sa National Emergency Management Agency (NEMA), na siyang nag-utos sa libo-libong residente na lumikas sa matataas na lugar, matapos ang serye ng pagyanig, maaari na silang bumalik sa kanilang tahanan.
Bago ito ay libo-libong coastal residents sa New Zealand, New Caledonia at Vanuatu ang lumikas sa matataas na lugar, matapos magbunsod ng isang Pacific-wide tsunami alert ang malalakas na lindol.
Pinatunog ang mga sirena sa magkabilang panig ng Noumea, habang inaatasan ng mga awtoridad ang mga residente na lumikas, sa pangambang magkaroon ng alon na hanggang tatlong metro (10 talampakan) na tatama sa French territory.
Sa New Zealand, ang mga komunidad na nasa kahabaan ng North Island ay binabalaan na lumikas habang tumutunog ang tsunami alert sirens matapos ang isang 8.1-magnitude quake, na sumunod sa dalawang naunang pagyanig sa naturang rehiyon na ang sukat ay 7.4 at 7.3.
Ayon sa US Geological Survey, ang pinakamalakas sa mga lindol ay tumama sa nasa 1,000 kilometro (640 miles) sa baybayin ng New Zealand, kaninang alas-8:28 ng umaga (local time).
Sinabi ni Emergency Services Minister Kiri Allan, na ang New Zealand ay malimit makaranas ng seismic at volcanic activity, subalit hindi pa siya nakaranas ng lakas na gaya ng magkakasunod na katatapos pa lamang na mga paglindol.
© Agence France-Presse