Tuguegarao City Mayor Jefferson Soriano, nagpositibo sa COVID-19
Ipinahayag mismo ni Tuguegarao City Mayor Jefferson Soriano, nagpositibo siya sa COVID-19, nitong Biyernes.
Ayon kay Mayor Soriano, maaaring nahawa siya ng virus sa kanya mismong kasamahan sa tanggapan na nagpositibo sa COVID-19 noong Miyerkules.
Sumailalim ang alkalde sa pagsusuri kasama ang tatlo pa niyang kasamahan, kung saan lumabas sa resulta na dalawa silang nagpositibo sa COVID-19.
Gayunman ay hindi na tinukoy ni Mayor Soriano ang kasama niyang nagpositibo rin, ngunit ayon sa alkalde ay hihingi siya ng permiso upang mapangalanan ang kasama nyang nagpositibo, upang mapadali ang contact tracing.
Si Mayor Soriano ay binansagang CV 6608 at sinabi rin nito na siya ay asymptomatic.
Agad na nagpa-isolate ang alkalde sa People’s General Hospital. Subalit, kahit nasa isolation facility ay sinabi nito na patuloy pa rin siyang maglilingkod sa lungsod, lalo na at nasa Enhanced Community Quarantine ang kanilang syudad.
Pinayuhan naman ng opisyal ang lahat ng kanyang nakasalamuha, na makipag-coordinate na sa kanila para huwag nang makahawa pa sa iba.
Ulat ni Nhel Ramos