“Tulak Kariton Pantry” inilunsad ng online sellers sa Trece Martires
Kakaibang community pantry ang itinatag ng mga online seller sa isang subdibisyon sa Brgy. Hugo Perez, Trece Martires City Cavite.
Tinawag nila itong “Tulak Kariton Pantry” kung saan sila mismo ang naglilibot upang mamahagi ng tulong.
Ayon sa isa sa mga organizer ng pantry na si Robin Peralta, naisipan nilang pagsama-samahin ang kanilang mga donasyon mula sa kanilang kita sa online selling upang matulungan ang kanilang mga kapitbahay, laluna yaong mga walang-wala.
Umiikot sila upang mag bahay-bahay, para maiwasan ang pagdagsa ng mga tao kung nakatigil lamang sila sa isang lugar, at para maiwasan na rin ang pagkalat ng virus.
Sa kanilang pag-iikot, bukod sa pagbibigay ng tulong ay nangangalap din sila ng mga donasyon, in-kind o in-cash para maragdagan ang laman ng kanilang Tulak Kariton Pantry, upang mas marami pa ang maabutan nila ng tulong.
Natutuwa naman ang grupo, dahil may ilan na sa halip na kunin ang iniaabot nilang tulong, ay ang mga ito pa ang nagbibigay ng donasyon.
Ulat ni Erlyn Rodo