Turismo sa Sta. Ana, Cagayan apektado ng Typhoon Betty
Patuloy na naranasan sa Sta. Ana, Cagayan ang matinding epekto ng bagyong Betty ngayong Martes.
Naranasan sa bayan ang magdamagang malakas na hangin maging ang malalaking hampas ng alon sa mga coastal area.
Dahil sa bagyo, apektado ang turismo lalo na ang mga beach resort.
Sinabi ng samahan ng mga may-ari ng beach resort sa lalawigan na tuwing may bagyo ay palagiang kinakailangang isara ang kanilang mga negosyo para sa kaligtasan ng mga turista.
“Sa mga nagdaan pong bagyo lalo po kay ompong noon halos lahat po ng mga ano dito nasira po kaya pag may ganito po na bagyo pag malakas dun po halos masisira ung mga cottages po dito thankfully po ngayon ganito lang po ung nangyari,” pahayag ni JhayR Seatriz, presidente ng Nepa Beach Resort.
Gayunman, may alternatibong negosyo naman ang karamihan sa kanila kung kaya’t ayos lang daw kung para naman sa kaligtasan.
Ipinagpasalamat din ng grupo ang pagiging cooperative ng mga turista na nagtutungo sa kanilang lugar.
“When it comes naman po sa mga tourist ok lang akakaintindi naman kasi hindi rin naman natin hawak ung panahon kaya bawi bawi nalang po cguro pag ano po (JUMP) malaking bagay malaking tulong kasi lahat dito po kami nabubuhay sir,” dagdag pa ni Seatriz.
Pero bagama’t malakas ang hangin na may kasamang pag-ulan, tuloy ang pamamasyal ng iba sa San Vicente Fish Port na bahagi pa rin ng Sta Ana, Cagayan.
Habang nararanasan naman ang malalakas na hangin na may pag-ulan, isang lumang gusali sa loob ng Port Irene sa Sta. Ana, Cagayan ang gumuho.
Ayon sa Sta. Ana Police Station, wala namang nasaktan sa naganap na pagguho ng luma at abandonadong gusali.
Isa namang naa-agnas na balyena ang inanod ng malakas na alon sa Centro Sta. Ana.
Sinabi ni Richard Alibania, municipal agriculturist ng bayan, nakita ng mga residente sa dalampasigan ang balyena at agad ipinarating sa kanila.
Gamit ang bulldozer, inilibing ang balyena dahil masangsang na rin ang amoy nito.
Nagpa-alala rin sila sa mga residente sa lugar na huwag lalapitan ang balyena dahil maaari itong sumabog dahil san a-produce na gas sa loob nito.
Sa tala ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) umabot sa 135 ang pamilyang inilikas mula sa mga delikadong lugar dulot ng Bagyong Betty.
Kabilang dito ang 2 pamilya sa Casaganan, 27 pamilya sa Palawig, 2 pamilya sa kapanikian, 3 pamilya sa Sinungan, 26 sa Bgy. San Vicente, 21 sa Parada Batu, 9 sa Tangatan, 19 sa Rapuli, 21 sa Sta. Clara at 2 sa Visitacioon
Earlo Bringas