Tuta, iniligtas ng action star na si Jean-Claude Van Damme
Iniligtas ng action movie star na si Jean-Claude Van Damme ang isang tatlong buwang chihuahua, na isasailalim sana sa euthanasia dahil sa legal issue sa pagitan ng Norway at Bulgaria.
Ang aso na ang pangalan ay Raya, ay ipinagbili sa bagong may-ari noong Setyembre, subalit ayaw itong i-rehistro ng mga opisyal sa Norway dahil peke ang Bulgarian passport ng aso.
Tinangka ng Norway na ibalik si Raya sa Bulgaria, subalit ayaw na itong tanggapin doon dahil sa batas ng European Union tungkol sa pagbibiyahe ng mga buhay na hayop, kayat wala nang solusyon kundi ito ay isailalim sa euthanasia ngunit isinalba ito ng Belgian film legend na si Van Damme.
Si Van Damme ay naglunsad ng isang emotive campaign sa social media, kung saan makikita ang kaniyang mga selfie habang yakap ang chihuahua, na naging daan para muling tanggapin ng Bulgarian Food Safety Authority si Raya.
Ayon sa food safety authority, si Raya ay isasailalim sa medical check-up pagbalik niya sa Bulgaria, at siya ay ipa-aampon.
Sinabi ni Yavor Gechev mula sa Four Paws animal rights organisation, dapat batiin ang Bulgaria sa naging pasya nito subalit nanawagan din na dapat magpatupad ng mas mahigpit na kontrol sa illegal breeders at animal traffickers.
Aniya, isang negosyong may malaking kita ang pag-eexport ng mga alagang hayop mula sa silangan patungong kanluran at hilagang Europa.
Ayon kay Gechev, dahil sa pekeng pasaporte ni Raya, dapat ay isasailalim siya sa euthanasia noong October 20, sa ilalim ng batas ng Norway.
© Agence France-Presse