Twitter ban kay Trump, tatanggalin ni Elon Musk
Inihayag ni Elon Musk na tatanggalin na niya ang ban ng Twitter kay dating US President Donald Trump, sakaling magtagumpay ang pagbili niya sa global messaging platform.
Sa isang kumperensiya ay sinabi niya . . . . “I would reverse the permanent ban,” at binanggit na hindi pa niya pag-aari ang Twitter . . . “so this is not like a thing that will definitely happen.”
Ang $44-bilyong na deal ng Tesla chief para bilhin ang Twitter ay dapat pa ring makakuha ng suporta ng mga shareholder at regulator, ngunit nagpahayag siya ng sigasig para bawasan ang pag-moderate ng mga nilalaman o content at “time-out” sa halip na bans.
Ayon kay Musk . . . “I do think that it was not correct to ban Donald Trump. I think that was a mistake because it alienated a large part of the country, and did not ultimately result in Donald Trump not having a voice.”
Si Trump ay napatalsik mula sa Twitter at iba pang online platform, matapos atakihin ng kaniyang mga tagasuporta ang US Capitol noong Enero 6, 2021 bunsod na rin ng kaniyang mga tweet na nagpaparatang ng pandaraya sa halalan, sa isang marahas nguni’t nabigong pagtatangka na pigilang makumpirma si Joe Biden bilang nanalo sa halalan sa pagkapangulo ng Amerika.
Sinabi pa ni Musk na pareho sila ng pag-iisip ng Twitter co-founder na si Jack Dorsey, na dapat ay bihira lamang ang pagpapataw ng permanent bans at i-reserba ito sa mga account na spam, scam, o pinatatakbo ng “bots” software.
Aniya . . . “That doesn’t mean that somebody gets to say whatever they want to say. If they say something that is illegal or otherwise just destructive to the world, then there should be a perhaps a timeout, a temporary suspension, or that particular tweet should be made invisible or have very limited attraction.”
Nanindigan si Musk sa kaniyang palagay na ang permanent bans ay isang “morally bad decision” na sisira sa tiwala sa Twitter bilang isang online town square kung saan maaaring marinig ang lahat.
Subali’t binanggit niya na sinabi ni Trump sa publiko na hindi na ito babalik sa Twitter sakaling pahintulutan, sa halip ay piniling manatili sa kanyang sariling social network, na nabigo namang makakuha ng popularidad.