Two-day number coding scheme ng MMDA maaaring simulan sa Mayo
Pormal nang ipinanukala ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa Metro Manila Council, ang isang number-coding scheme na magbabawal sa mga sasakyan na bumiyahe sa Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA), dalawang araw kada linggo depende sa huling digit ng kanilang plaka.
Sa isang hiwalay na pulong sa pagtatapos ng Marso, ipinanukala ng MMDA ang three traffic volume reduction schemes para sa kanilang Unified Volume Reduction Program, kabilang ang isang 40-percent reduction na kapapalooban ng dalawang coding days para sa bawat sasakyan.
Sa Talk to the People ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Lunes ng gabi, kinumpirma ni MMDA Chairman Romando Artes na isusulong ng ahensiya ang 40-percent plan, na naghihintay na lamang ng approval ng Metro Manila Council.
Kapag inaprubahan ng 17 local chief executives ng National Capital Region, maaaring magkabisa ito sa May 1, 2022.
Sa ilalim ng scheme, ang mga plakang nagtatapos sa mga sumusunod na numero, ay hindi puwedeng dumaan sa EDSA mula ala-5:00 ng hapon hanggang ala-7:00 ng gabi sa mga sumusunod na araw:
- 1, 2: Monday, Wednesday
- 3, 4: Monday, Thursday
- 5, 6: Tuesday, Thursday
- 7, 8: Tuesday, Friday
- 9, 0: Wednesday, Friday
Sinabi ni Artes, na aplikable lamang ito sa mga pribadong sasakyan, habang ang mga taxi, Transport Network Vehicle Service, public utility jeepneys, at mga bus ay exempted dito.
Aniya, sa pamamagitan ng nasabing scheme ay maaarting mabawasan ng hanggang 1,174 mga pribadong sasakyan ang northbound side ng EDSA, na sisiguro sa “light to moderate flow” ng mga behikulo.
Banggit ang MMDA data, sinabi ni Artes na 300,000 mga sasakyan ang naipagbili noong isang taon. Aniya, 60 – 70 percent dito ay bumibiyahe araw-araw papasok at palabas ng Metro Manila.
Sa isang pag-aaral noong 2018, sinabi ng Japan International Cooperation Agency na dahil sa traffic, ang bansa ay nawawalan ng P3.5 billion “oportunidad” araw-araw. Ang halaga ay inaasahang magiging triple pagdating ng 2030.
Una na ring sinabi ng MMDA chief na ang paggawa ng mga ligtas na walkway at bicycle lane para sa mga commuter, ay maaaring mag-udyok sa paglalakad o pagbibisikleta papunta sa trabaho, na maaaring makabawas sa traffic. Hindi na niya muling binanggit ang panukalang ito sa pagpupulong kagabi.
Dagdag pa niya, makikipagpulong ang MMDA sa Civil Service Commission makaraan ang mahabang bakasyon para pag-usapan ang kaniyang panukala na magpatupad din ng 7 a.m. to 4 p.m. workday at isang four-day workweek schedule para sa mga kawani ng gobyerno upang mapaluwag ang daloy ng trapiko.