Two-time NFL champ Peyton Manning, kasama sa Hall of Fame finalists
NEW YORK, United States (AFP) – Isa ang Two-time Super Bowl champion quarterback na si Peyton Manning, sa apat na first-time nominees sa 15 modern-era NFL players na tinukoy bilang finalists sa American Pro Football Hall of Fame.
Sa listahan na nabuo sa pamamagitan ng ginawang botohan ng Hall selection committee, ay kasama rin ang first-time eligible players na sina Calvin Johnson, Jared Allen at Charles Woodson.
Pagpapasyahan na ng selection committee ang 2021 Hall of Fame inductees at iaanunsyo ang mga napili sa February 6, habang magkakaroon naman ng isang enshrinement ceremony sa August 8 na gaganapin sa Canton, Ohio.
Malaki ang ginampanang papel ng 44-anyos na si Manning sa pagkakapanalo ng Indianapolis Colts sa 2007 Super Bowl championship, at pinangunahan din niya ang Denver Broncos sa 2016 Super Bowl title sa final game ng kaniyang 18-year NFL career.
Ang five-time NFL Most Valuable Player ay nakagawa ng 71,940 career yards at 539 touchdowns, at binago ang record books ng liga sa pamamagitan ng kaniyang 55 touchdown passes in a season at 5,477 passing yards in a season.
Samantala, tinulungan naman ni Woodson ang Green Bay para manalo sa 2011 Super Bowl, subalit ang malaking bahagi ng kaniyang 18-year career ay ginugol niya kasama ng Oakland Raiders. Nakagawa siya ng 65 career interceptions at napantayan ang isang NFL record sa pamamagitan ng kaniyang 13 defensive touchdowns.
Si Johnson ay nakagawa ng 731 catches para sa 11,619 at 83 touchdowns para sa Detroit mula 2007 hanggang 2015, at si Allen naman ay nakagawa ng 136 quarterback sacks mula 2004-2015 kasama ang koponan ng Kansas City, Minnesota, Chicago at Carolina.
Sa kauna-unahang pagkakataon naman ay napasama sa listahan sina Ronde Barber, isang Tampa Bay defensive back mula 1997-2012, at Clay Matthews, na linebacker ng koponan ng Cleveland at Atlanta mula 1978-1996.
Ang iba pang offensive finalists ay kinabibilangan nina Jacksonville tackle Tony Boselli, Pittsburgh guard Alan Faneca, dating St. Louis Rams at Jacksonville receiver Torry Holt, at isa sa paboritong Colts targets, receiver ni Manning, na si Reggie Wayne.
Kabilang naman sa iba pang defensive finalists ang safeties na sina LeRoy Butler ng Green Bay at John Lynch ng Tampa Bay at Denver, New Orleans at Carolina linebacker na si Sam Mills at Miami at Dallas linebacker na si Zach Thomas, maging ang defensive lineman na si Richard Seymour ng Raiders at New England Patriots.
© Agence France-Presse