Typhoon Betty patuloy sa paghina, inaasahang lalabas ng Pilipinas sa Biyernes
Patuloy sa paghina ang Typhoon Betty habang kumikilos sa karagatan sa silangang bahagi ng Batanes.
Sa 5:00 a.m. advisory ng state weather bureau PAGASA, inalis na ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) sa ilang bahagi ng bansa.
Bagama’t inalis na ng PAGASA ang wind signal sa mga lalawigan sa Bicol region, patuloy pa rin itong nakataas ang TCWS no. 2 sa mga sumusunod na lugar:
- Batanes
- Northeastern portion ng Cagayan (Sta. Ana, Gonzaga)
- Babuyan Islands
Habang TCWS no. 1 naman ang umiiral sa mga sumusunod:
- Nalalabing bahagi ng mainland Cagayan
- Northern at eastern portions ng Isabela (Santo Toma, Santa maria, Quezon, San Mariano, Dinapigue, Delfin Albano, San Pablo, Ilagan City, Benito Soliven, Tumauini, Cabagan, Palanan, Quirino, Divilacan, Gamu, Maconacon, Naguilian, Mallig)
- Eastern portion ng Ilocos Norte (Piddig, Bangui, Vintar, Marcos, Pagudpud, Banna, Adams, Carasi, Dingras, Solsona, Dumalneg, Nueva Era)
- Apayao
- Northern portion ng Kalinga (City of Tabuk, Balbalan, Pinukpuk, Rizal; at
- Northern portion ng Abra (Tineg, Lacub, Malibcong)
Pinaghahanda naman ng PAGASA ang mga residente sa Ilocos Sur at northern portion ng La Union sa inaasahang 50 hanggang 100 millimeters ng ulan na bubuhos mula ngayong Martes hanggang bukas Miyerkules ng umaga.
Tinataya namang aabot din sa 50 hanggang 100 mm ng ulan ang bubuhos mula Miyerkules hanggang Huwebes ng umaga sa Ilocos Sur at La Union.
“Under these conditions, flooding and rain-induced landslides are possible, especially in areas that are highly or very highly susceptible to these hazard as identified in hazard maps and in localities that experienced considerable amounts of rainfall for the past several days,” nakasaad sa bulletin ng PAGASA.
Samantala, ang southwest monsoon o Habagat na pinaigting ng Typhoon Betty ay inaasahang magdadala ng bugso ng ulan sa susunod na 24 oras sa Bicol Region, Western Visayas, Aurora, Quezon, Mindoro Provinces, Marinduque, Romblon, Northern Samar, and sa kabuuan ng Cordillera Administrative Region (CAR) at Ilocos Norte na hindi sakop ng Wind Signal.
Sa forecast ng PAGASA, bagama’t inaasahang may kaunting pagbilis sa kilos ng bagyo sa susunod na 12 oras, inaasahan pa rin ang mabagal na pagkilos nito mula ngayong Lunes hanggang bukas, Martes, habang kumikilos pa hilaga sa silangang karagatan ng Batanes.
Bibilis naman ang kilos nito pa hilaga-hilagang-kanluran sa Huwebes at hilagang-silangan sa Biyernes kung kailan ang sentro nito ay nasa karagatan sa timog-silangan ng Ryukyu Islands.
Inaasahang lalabas sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Typhoon Betty sa Biyernes.
Ang bagyo ay maaaring i-downgrade bilang severe tropical storm sa gabi ng Huwebes o sa Biyernes ng umaga, at isang tropical storm pagsapit ng Biyernes ng gabi hanggang Sabado ng umaga.
Ngunit dahil sa lawak ng epekto ng dry air intrusion ng bagyo, ang mas mabilis na paghina nito ay hindi isinasantabi ng PAGASA.