U.S. Pres. Biden, inimbitahan si PBBM na bumisita sa Washington– DFA
Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nakatanggap ng imbitasyon si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. mula kay U.S. President Joe Biden para bumisita sa Amerika.
Ito ang inihayag ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo sa virtual joint press conference kasama si U.S. Secretary of State Antony Blinken.
Nagpulong ngayong araw virtually sina Secretary Manalo at Blinken kung saan napag-usapan ang lalong pagpapalakas sa alyansa at kooperasyon ng dalawang bansa.
Kabilang din sa mga natalakay ang posibleng pagpupulong nina Biden at Marcos sa United Nations General Assembly sa New York sa Setyembre.
Gayundin, ang posibleng pagbisita sa Washington D.C. ni PBBM kasunod ng imbitasyon ni Biden.
Ayon kay Secretary Manalo, wala pang nakatakdang petsa kung kailan makabibisita sa US si PBBM dahil magdidepende pa ito sa iskedyul ng dalawang lider.
Sa ngayon aniya ay pag-uusapan pa ng dalawang bansa ang mutual na petsa para sa pagkikita nina Marcos at Biden.
Binigyang- diin naman ni Blinken na ang Pilipinas ay isang “irreplaceable” na kaibigan at kaalyado ng Amerika.
Ibinahagi rin ng opisyal na kasama sa mga mas papaigtingin at palalawakin ng Pilipinas at US ay ang kooperasyon sa food security at ekonomiya.
Moira Encina