U.S. suportado ang Pilipinas sa laser incident sa pagitan ng China Coast Guard at Philippine Coast Guard
Nagpahayag ng suporta ang Estados Unidos sa Pilipinas sa napaulat na panunutok ng laser ng barko ng China Coast Guard sa BRP Malapascua ng Philippine Coast Guard.
Sa statement ni U.S. Department of State Spokesperson Ned Price, sinabi nito na “provocative” at “unsafe” ang ginawa ng Chinese coast guard na nagresulta sa temporary blindness sa mga Pinoy crew ng PCG vessel.
Panghihimasok rin aniya ito sa lawful na operasyon ng Pilipinas sa Second Thomas Shoal.
Tinawag din ni Price na mapanganib na operational behavior ang laser incident na direktang nagbabanta sa kapayapaan sa rehiyon.
Sinasagkaan din aniya nito ang freedom of navigation sa South China Sea na ginagarantiyahan sa ilalim ng international law at rules-based international order.
Batay aniya sa July 2016 ruling ng international tribunal ay walang lawful maritime claims ang Tsina sa Second Thomas Shoal.
Pinal at legally binding din aniya ang desisyon ng arbitral court kaya dapat ito na sundin ng Tsina.
Muling inihayag ng U.S. official na ang anumang armadong pag-atake sa sandatahang lakas, sasakyang pandagat at pamhimpapawid ay mag-i-invoke sa US-Philippines Mutual Defense Treaty.
Moira Encina