UAE, mag-iisyu nang muli ng visa para sa mga turistang bakunado na laban sa COVID-19
DUBAI, United Arab Emirates (AFP) – Inanunsiyo ng United Arab Emirates (UAE), na muli na silang mag-iisyu ng visa para sa lahat ng mga turistang fully vaccinated na laban sa Covid-19, isang buwan bago mag-host ang Dubai sa naantalang Expo 2020 trade fair.
Ang hakbang ay ginawa sa gitna ng pagbaba ng coronavirus infections sa bansang mayaman sa langis.
Ito’y matapos na sa unang pagkakataon makalipas ang ilang buwan, ay makapag-ulat ito ng wala pang isanglibong kaso araw-araw nitong nakaraang linggo.
Batay sa official WAM news agency . . . “The UAE’s decision to reopen its doors to tourists from all countries was taken in order to achieve sustainable recovery and economic growth. It applies to citizens of all countries, including those arriving from previously banned countries.”
Samantala, bukod sa dapat na fully vaccinated na sila ng alinmang Covid-19 vaccines na inaprubahan ng World Health Organization (WHO), ang mga pasaherong darating na tourist visa ang hawak, ay kailangang sumailalim sa isang mandatory PCR test sa airport.
Ang UAE na binubuo ng pitong emirates kapilang ang kapitolyo nitong Abu Dhabi at Dubai, ay nakapagtala lamang ng 715,000 cases ng Covid-19 infection, kabilang na ang 2,036 na namatay.
Agence France-Presse