Ukraine, sorpresang binisita ni Angelina Jolie
Sorpresang binisita ng hollywood star na si Angelina Jolie ang western Ukrainian city ng Lviv, kung saan naispatan siya sa isang cafe.
Si Jolie ay isang UNHCR special envoy, subali’t hindi pa batid kung ang pagbisita niya sa Ukraine ay may kaugnayan dito.
Sa kaniya namang post sa Telegram, na may mga larawan at mga video ng aktres habang nakikipaglaro sa mga bata at habang kasama ang voluntary workers, ay sinabi ni Lviv regional governor Maxim Kozytski na para sa kanilang lahat ang pagbisita ni Jolie ay isang sorpresa.
Sa isang ospital ay binisita niya ang mga batang nasaktan sa naganap na pambobomba sa Kramatorsk station, na isinisisi sa isang Russian missile, kung saan higit 50 mga sibilyan na nagtatangkang tumakas ang nasawi ayon a gobernador.
Nakipag-usap din si Jolie sa mga volunteer, para bigyan ng psychological help ang maraming nawalan ng tirahan at maging yaong mga lumikas.
Higit 7.7 milyong katao ang itinuturing na “internally displaced” simula nang salakayin ng Russia ang Ukraine noong February 24, habang 5.4 na milyon naman ang lumisan sa bansa.
Ang aktres na gumanap bilang isang Russian spy sa pelikulang “Salt,” ay naispatan ni Maya pidhoretska sa isang cafe sa Lviv.
Sa video na kaniyang ipinost sa kaniyang social media account, sinabi ng nasorpresang si Pidhoretska . . . “I am having a coffee and I see Angelina Jolie in Lviv.”