Ulat nang pag-uwi sa Pilipinas ni Cong. Teves, ‘fake news’ ayon sa kongresista
Kinontra ni suspended Negros Oriental Congressman Arnie Teves, Jr., ang mga balitang babalik na siya sa Pilipinas ngayong Miyerkules, May 17.
Sa isang radio interview, tinawag na ‘fake news’ ni Teves ang nasabing impormasyon.
Sa naunang ulat, sinabi ni Justice Secretary Crispin Remulla na mayroon siyang impormasyon na babalik sa bansa ngayong araw si Teves bagaman hindi tiyak kung saang paliparan lalapag.
Sa radio interview, sinabi ni Teves na dapat tinanong daw muna siya bago nag-anunsyo sa kaniyang pag-uwi.
Itinuro rin ni Teves si Secretary Remulla nang tanungin sa kaniyang application para sa political asylum sa Timor-Leste.
Sabi ni Teves “tanungin mo na lang si Boying, alam niya siguro yun. Mas marami siyang alam sa akin eh.”
Noong May 9, inanunsyo ni Sec. Remulla na nag-a-apply ng political asylum si Teves sa Timor-Leste.
Noong araw din na iyon inanunsyo naman ng Department of Foreign Affairs na ibinasura ng Ministry of Interior ng Timor-Leste ang aplikasyon at binigyan ng 5-araw si Teves para lisanin ang bansa.
Weng dela Fuente