Umano’y bilyong pisong pork barrel nina House speaker GMA at House majority leader Nonoy Andaya, ok lang sa Malakanyang
Hindi kontra ang Malakanyang sa sinasabing Pork barrel allocations nina House speaker Gloria Macapagal Arroyo at House majority leader Nonoy Andaya na nagkakahalaga ng multi-bilyong piso na isiningit sa 3.757 trilyong pisong panukalang pambansang budget sa susunod na taon.
Sinabi ni Presidential spokesman Salvador Panelo na basta gagastusin ang binabanggit na pondo sa mga proyekto ng gobyerno ay walang nakikitang problema ang Malakanyang.
Ayon kay Panelo kung ang sinasabing pondo ng mga proyekto sa mga distrito nina Speaker Arroyo at Congressman Andaya ay gamitin sa iba ito ay malinaw na korapsyon at hindi ito pahihintulutan ng Malakanyang.
Ginawa ni Panelo ang pahayag matapos ibulgar ni Senador Panfilo Lacson sa budget deliberation sa Senado na ang 2019 proposed National Budget ay nasingitan ng 2.4 bilyong pisong pork barrel sa mga proyekto sa distritong sakop ni Speaker Arroyo at 1.9 bilyong piso naman sa mga proyekto sa distrito ni Congressman Andaya.
Idinagdag ni Panelo na dapat ipaliwanag nina Arroyo at Andaya ang kanilang project fund allocation sa National Budget.
Ulat ni Vic Somintac