Umano’y hybrid coronavirus mutation na ‘Deltacron’ na nadiskubre sa Cyprus, malamang na resulta ng lab error
Inihayag ng mga eksperto, na ang isang umano’y hybrid coronavirus mutation na tinawag na “Deltacron” na napaulat na nadiskubre sa isang laboratoryo sa Cyprus, ay mas malamang na resulta ng isang lab contamination at hindi isang bagong variant.
Ang pagkakadiskubre ay iniulat ng Cypriot media noong Sabado, at inilarawan ito na nagtataglay ng genetic background ng Delta variant kasama ng ilang mutations ng Omicron.
Bagama’t posibleng magkaroon ng genetic combination ang coronaviruses, bihira ito, at sinabi ng mga siyentistang nag-aanalisa sa pagkakatuklas ng tinatawag na “Deltacron” na malabo ito.
Ayon kay Tom Peacock, isang virologist sa infectious diseases department sa Imperial College London . . . “The Cypriot Deltacron’s sequences reported by several large media outlets look to be quite clearly contamination.”
Pahayag naman ni Jeffrey Barrett, pinuno ng Covid-19 Genomics Initiative sa Wellcome Sanger Institute sa Britanya . . . “The alleged mutations are located on a part of the genome that is vulnerable to error in certain sequencing procedures. This is almost certainly not a biological recombinant of the Delta and Omicron lineages.”
Sabik ang mga siyentista na labanan ang napakaraming maling impormasyon tungkol sa Covid-19 na ang karamihan ay kumakalat ngayon online.
Nitong nakalipas na linggo, lumitaw ang hindi berepikadong ulat tungkol sa isang “flurona” o “flurone” virus, isang kombinasyon ng flu at coronavirus na pinawalang-saysay ng World Health Organization (WHO).
Ayon kay Maria van Kerkhove, isang infectious disease epidemiologist sa WHO . . . “Let’s not use words like Deltacron, flurona or flurone. Please. These words imply combination of viruses/variants and this is not happening.”
Bagama’t maaaring sabay na dapuan ang mga tao ng inluenza at coronavirus, ang 2 viruses ay hindi maaaring magsanib o mag-combine.
Kaibayo sa bagong variants ng Covid-19 gaya ng Omicron na lubhang nakaapekto sa tinatahak ng pandemya, ang mga kaso ng tuloy-tuloy na impeksiyon ng flu at coronavirus ay hindi na bago.
Simula nang mag-umpisa ang pandemya, ang coronavirus ay naglabas pa ng dose-dosenang variants na ang apat ay pinangalanan ng WHO na Alpha, Beta, Delta at Omicron.