Umano’y iligal na Chinese Covid-19 vaccine na ipinasok sa bansa, inaalam na ng FDA
Nagsasagawa na ng inbestigasyon ang Food and Drug Administration o FDA hinggil sa napaulat na mayroon ng ibinibentang Covid- 19 vaccine sa bansa na galing ng China.
Sinabi ni FDA Director General Dr. Eric Domingo na nakipag-ugnnayan na sila sa mga otoridad upang maberipika ang report na sa Binondo, Maynila ay mayroon na umanong ibinibentang COVID 19 vaccine sa mga Chinese nationals at mga Filipino Chinese.
Ayon kay Domingo wala pang inaapubahang COVID 19 vaccine ang FDA na gagamitin sa Pilipinas dahil nasa proseso pa ng negosasyon ang mga bakunang balak bilhin ng pamahalaan kasama dito ang Sinovac at Sinopharm ng China.
Inihayag ni Domingo kung mayroon mang nakapasok na sa bansa na bakuna laban sa Covid- 19 maituturing itong iligal at mapanganib sa kalusugan dahil hindi ito dumaan sa pagsusuri ng Panel of Expert ng FDA at walang kaukulang pahintulot para gamitin.
Vic Somintac