Umano’y ill gotten wealth ni COMELEC Chair Bautista hindi sapat na ebidensya para patunayan ang dayaan noong 2016 elections
Hindi maaring gamiting katibayan na nagkaroon ng dayaan sa nakalipas na 2016 elections ang umanoy ill gotten wealth ni COMELEC Chairman Andres Bautista na hindi kasama sa kaniyang idineklarang Statement of Assets Liabilities at Networth.
Ayon kay Senate President Aquilino Pimentel, kahit may alegasyon na may malaking halaga sa bangko si Bautista hindi maaring kwestyunin ang resulta ng halalan maliban na lamang kung ang pondo ay idineposito bago at pagkatapos ng 2016 elections.
Sinabi ni Pimentel na kailangang imbestigahan pa rin ang paper trail para makita kung may koneksyon ang yaman nito sa mga alegasyon ng pandaraya sa halalan.
Nauna nang hiniling nina Senate Majority Leader Vicente Sotto atSenador Grace Poe na imbestigahan ang alegasyon ng asawa ng COMELEC Chairman na si Patricia para tuluyang mawala ang duda sa naging resulta ng halalan.
Ulat ni : Mean Corvera