Umano’y kumakalat na pre-shaded ballot na pumapabor sa mga Opposition candidates, fake news – Comelec
Itinuturing na fake news ng Commission on Elections (Comelec) ang balitang mayroong mga pre-shaded ballots na kumakalat na umano’y pumapabor sa mga Senatorial candidates ng Pposisyon.
Matatandaang nag-viral ang video na nagpapakita na may mga marka sa circle ng kandidato ng Liberal Party o mga kandidatong kabilang sa Otso Diretso na makikita kapag itinapat sa Ultra-violet light.
Sinabi ni Comelec spokesperson James Jimenez sa Radyo Agila na pananakot lamang ang balitang ito dahil hindi naman opisyal at tunay ang balotang ginamit dito.
Kahit sino aniya ay pwedeng gumawa mula sa kahit anong papel na magmumukhang balota sa pamamagitan ng mga aplikasyon sa internet.
Maliban dito, ang mga makinang ginagamit sa halalan partikular ang mga vote counting machines (VCMs) ay nagbabasa lamang ng mga marking nakikita nito at hindi ang mga UV lights na hindi nakikita ng mga mata.
Paliwanag pa ni Jimenez na ang mga UV scanner ng mga VCMs ay mga security mark ang binabantayan at hindi ang area ng voting.
“Pananakot lang po yan. Tinesting na natin yan, kumuha tayo ng balota, nilagyan natin ng mga UV marks yung pangalan at wala pong nababasa ang makina tungkol dyan. So peke po yang balita na yan”. – James Jimenez, Comelec spokesperson