Umano’y paggastos ng gobyerno para pondohan ang mga troll farm, ikinababahala ng oposisyon
Nababahala na rin ang oposisyon sa umanoy paggastos ng gobyerno para pondohan at paigtingin ang troll farms.
Sinabi ni Liberal Party President at Senador Francis Pangilinan na nakakabahala ang mga ulat na sa halip na tulungan ang mga agricultural at piggery farms, tila mas pinagtutunan ng pansin ng gobyerno ang pag-oorganisa ng mga troll farms para paghandaan ang eleksyon sa May 2022.
Pabor ang Senador sa mungkahi ng kaniyang mga kasamahan sa Senado na pakilusin ang mga social media platforms para pigilan ang paninira lalo na sa mga kandidato ng tatakbo sa susunod na taon.
Umaangal ang Senador dahil ang oposisyon aniya ang isa sa mga matinding biktima ng paninira at fake news na dulot ng pinaigting na operasyon ng mga troll farms.
Tila naging crime scene na rin aniya ang mga social media platforms dahil sa mga lumalabas na pekeng impormasyon kabilang na ang red tagging na nagbibigay ng matinding impluwensya sa publiko na minsan ay pumapatay na sa mga inosenteng indibidwal.
Sa ngayon isang malaking challenge aniya kung paano ire-regulate ang mga nagpapakalat ng pekeng impormasyon dahil sa freedom of speech na ginagarantiyahan rin ng saligang batas.
Meanne Corvera