Umano’y pagpasok sa bansa ng mahigit 3 milyong kilo ng imported na karne, iniimbestigahan ng grupong Sinag
Kailangan munang isailalim sa obserbasyon at testing ang mga isolated cases ng African swine fever (ASF) bago maideklarang ASF free na ang isang lugar.
Ayon kay Samahang Industriya ng Agrikultura (Sinag) Chairman Rosendo So, bagamat wala nang naitalang bagong insidente ng ASF sa mga deklaradong lugar, 90 araw pa bago tuluyang maideklarang cleared na sa virus ang isang lugar.
Paliwanag ni So, batay aniya sa protocol, sa unang testing ay maglalagay ng alagaing baboy sa lugar at matapos ang 2 linggo ay maglalagay uli ng baboy hanggang sa ikaapat na beses upang makita kung talagang negatibo na sa virus ang isang lugar.
Samantala, sinabi ni So na minomonitor nila ngayon ang umano’y pumasok sa bansa na 3.6 milyong kilo ng imported na karne mula Germany nito lamang Setyembre at mayroon ding mga karneng nakapasok nitong Oktubre.
Isa ang Germany sa mga pinagbawalang bansa sa pag-aangkat ng mga pork products dahil apektado ng ASF.
“Ito yung minomonitor natin ngayon kasi alam natin yung nangyari sa Germany gaya ng nanngyari sa Cebu na may dumating na shipment galing Germany na may kahalong shipment ng Poland. Sa kabila ng ban, may dumating pa rin noong Setyembre at Oktubre so dpaat malaman natin kung bakit may insidenteng ganun”.