Umano’y pamemeke sa death certificates ng drug war victims, iniimbestigahan ng DOJ at NBI
Parte ng nagpapatuloy na rebyu sa giyera kontra droga ng DOJ at NBI ang sinasabing pamemeke ng death certificates ng mga biktima ng drug war.
Ito ang sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra kasunod ng pahayag ni forensic pathologist Raquel Fortun na pineke ng mga doktor ang impormasyon sa death certificate ng ilang napatay na suspek sa anti-drugs operations.
Batay sa re-autopsy ni Fortun sa mga labi ng 46 biktima, pito sa mga ito ang may mga tama ng bala pero nakalagay sa death certificate na namatay ang mga ito sa natural na dahilan gaya ng hypertension.
Tiniyak ni Guevarra na bibigyan ng DOJ at NBI ng espesyal na atensyon ang isyu sa death certificate.
Noong Marso, siniguro ni Guevarra sa UNHCR na bagamat malapit na ang eleksyon at magkakaroon ng pagbabago sa administrasyon sa bansa ay hindi nito maaapektuhan ang committment ng Pilipinas sa human rights.
Moira Encina