Umano’y rice shortage sa bansa, kagagawan mismo ng NFA Management
Sinisi ng NFA Council ang National Food Authority o NFA sa nalikhang pangamba o panic sa publiko kaugnay sa napabalitang pagkaubos na ng supply ng NFA rice sa ilang bahagi ng Luzon.
Sa briefing sa Malakanyang, sinabi ni NFA Council chairman at Secretary to the Cabinet Leoncio Evasco dahil sa inihayag ng NFA management na pinamumunuan ni Administrator Jason Aquino na nasaid na ang stocks nila para sa Metro Manila at ibang bahagi ng Luzon kaya nagkaroon ng panic sa publiko lalo ang mga mahihirap na NFA rice lamang ang kayang bilhin.
Ayon kay Secretary Evasco dahil sa pahayag ng NFA posibleng samantalahin ito ng mga rice traders at magtago ng bigas para ibenta sa mas mataas na presyo.
Naniniwala si Evasco na artificial lamang ang sinasabi ng NFA management na NFA rice shortage sa bansa.
Inihayag ni Evasco na dapat ipaliwanag ng NFA management kung saan nila dinala ang inilabas na malaking volume ng NFA rice noong October ng nakaraang taon hanggang Enero ng kasalukuyang taon na sakto sana na pantakip sa pangangailangan ng NFA rice sa tinatawag na lean season o panahon ng pagtatanim ng palay.
Niliwanag ni Evasco na ito ang dahilan kung bakit humingi ng auditing ang NFA Council sa Commission on Audit o COA para matukoy kung tama ang ginawang hakbang ng NFA management.
Inamin naman ni Evasco na mayroon ng binubuong rekomendasyon para tuluyan ng buwagin ng NFA at ipaubaya na lamang sa pribadong sektor ang management ng supply ng bigas sa bansa.
Ulat ni Vic Somintac