Umiiral na relasyon ng PH sa ibang mga bansa, mas paiigtingin sa ilalim ng Marcos Admin– DFA
Tiniyak ng Department of Foreign Affairs (DFA) na handa ito na palalimin pa ang mga umiiral na ugnayan ng Pilipinas sa ibang mga bansa.
Ito ang inihayag ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo sa kaniyang unang pagharap sa DFA Press Corps matapos na maitalaga sa posisyon.
Sinabi ni Manalo na bukod sa pagpapaigting sa mga kasalukuyang bilateral relations ng Pilipinas ay handa ang DFA sa ilalim ng bagong gobyerno na bumuo ng mga bagong ugnayan sa iba pang mga bansa.
Siniguro rin ng kalihim na gaya ng nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay gagawin ng DFA ang lahat ng kinauukulang diplomatikong hakbang sa oras na mapatunayan na nasasagkaan ang soberenya ng bansa.
Samantala, sa meet and greet ni Secretary Manalo sa media ay kinilala nito ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga mamamahayag bilang katuwang ng departamento sa pagpapaabot at pagpapaintindi sa publiko ng foreign policy ng bansa.
Kasama ni Manalo na humarap sa mga reporter ang bagong DFA undersecretaries at iba pang opisyal na tulad ng kalihim ay pawang mga batikang career diplomat.
Inihayag naman ng kalihim na alinsunod sa gusto ng pangulo na ang mensahe ng pamahalaan ay coordinated at batay sa factual data, ang DFA ay hindi magsasalita base sa emosyon at hindi magkukomento sa fake news.
Moira Encina