UN dapat mag-organisa ng dagdag na convoys para sa north Gaza
Ipinagtanggol ng Israel ang mga patakaran nito sa pagpapapasok ng mga trak sa Gaza, at nanawagan sa United Nations (UN) na magpadala ng dagdag pang convoys ng tulong sa teritoryong sinalanta ng digmaan.
Sinabi ni Elad Goren, pinuno ng civil department sa COGAT, isang defense ministry body na nangangasiwa sa civilian affairs sa occupied Palestinian territories, “If the UN wants to see more aid in north Gaza, it should coordinate more convoys.”
Sinabi rin ni Goren na 99 porsyento ng aid trucks na ipinadala sa Gaza ay “naaprubahan,” taliwas sa mga ulat ng UN at NGO na hinaharang ng mahigpit na pag-iinspeksiyon ng Israel ang tulong na pagkain at iba pang mahahalagang bagay.
Ayon kay Goren, “The trucks that are rejected are sent back for repackaging because they contain… materials that Hamas can use for their terrorist activities. The issue is not with our inspection, but with the distribution capabilities of the international organisations.”
Nang tanungin tungkol sa mga pahayag ni Goren, sinabi ng tagapagsalita ng UN agency for Palestinian refugees (UNRWA) na si Juliette Touma, “the issue is with the Israeli authorities not allowing enough aid in or commercial supplies.”
Si Touma, na ang ahensya ang nag-aasikaso sa karamihan ng aid distribution sa loob ng Gaza ay nagsabing, “Israeli authorities control the number of trucks that go in and the inspection process.”
Sinabi ng aid workers na ang mabagal na inspeksiyon at hindi malinaw na mga panuntunan tungkol sa kung anong mga bagay ang pahihintulutang makapasok sa Gaza, ay umaantala sa pagdating ng tulongsa teritoryong pinatatakbo ng Hamas, kung saan ang health ministry ay nag-ulat ng 27 pagkamatay mula sa dehydration at malnutrisyon sa nakalipas na mga linggo, na ang karamihan ay mga bata.
Anila, ang access sa hilaga, kung saan higit na kailangan ang tulong, ay lalo pang naging kumplikado dahil sa Israeli checkpoints.
Habang nasa isang parking lot kung saan iniinspeksiyon ang aid trucks, itinuro ni Goren ang Gaza side at sinabing nakaimbak duon ang mga ayuda, ngunit hindi binibigyan ng access ang mga reporter sa Palestinian side upang iberipika ang kaniyang mga sinasabi.
Karamihan ng humanitarian aid na pumapasok sa Gaza ‘by land’ ay nagmumula sa Egypt, at iniinspeksiyon sa Kerem Shalom o Nitzana checkpoints, pagkatapos ay ibinababa sa Gaza at ang Palestinian trucks naman ang namamahagi.
Ang mga pagkaantala at mga hadlang sa ‘land crossings’ ay nag-udyok sa mga bansa na ituloy ang iba pang mga opsyon para sa paghahatid ng tulong, gaya ng airdrops at maritime route mula sa Cyprus.
Pinuri ni Goren ang naisip na ibang paraan upang maipadala ang tulong sa Gaza, at sinabing ang kanyang ahensya ay nakapag-facilitate na ng mahigit sa 35 airdrops sa hilaga.
Dagdag pa niya, sa linggong ito ay anim na trak ang nagawang makapasok sa isang bagong crossing dalawang kilometro sa timog ng Gaza City, na kilala bilang Gate 96.
Ang unang barko naman ng ayuda patungong Gaza galing Cyprus ay nakaalis na rin.
Gayunman ay iginiit ng aid groups, na ang overland delivery ay mas episyente kaysa ‘air and sea alternatives.’