UN, kumakalap $35-M emergency aid para sa Madagascar, sa harap ng pandemya at tagtuyot
ANTANANARIVO, Madagascar (AFP) — Umapela ang World Food Program (WFP) ng United Nation (UN), para sa emergency aid na $35 million, upang labanan ang kagutuman sa southern madagascar, na tinamaan ng coronavirus pandemic at ikatlong sunod-sunod na taon nang tagtuyot.
Ayon sa WFP, nasa 1.35 milyong katao ang tinatayang magugutom, 35% ng populasyon ng rehiyon.
Bunsod ng malubhang malnutrisyon na patuloy na nararanasan sa lugar, maraming bata ang napilitang mamalimos para may makain ang kanilang pamilya, at lalo pang pinalala ng epekto ng COVID-19 sa ekonomiya ang napakatagal nang dinaranas na tagtuyot ng Madagascar.
Dahil dito ayon sa WFP, ay kailangan ng kagyat na aksyon para mapigilan ang isang humanitarian crisis.
Natigil na rin ang seasonal employment, na nakaapekto sa rural families na iniipon ang kanilang kita para may magamit sila sa lean season, na kadalasang nagiging matindi kapag Enero at Abril.
Sa kasalukuyan ay nagkakaloob ang WFP ng food aid para sa halos kalahating milyong katao sa siyam na pinaka apektadong distrito sa katimugang bahagi ng isla, at plano nilang paabutin pa ng 900 na libo ang tutulungan pagdating ng Hunyo.
Kumakalap ang UN ng $35 million (29 million euros) para sa emergency food at malnutrition programmes, kabilang ang inisyatibo na pakainin ang mga batang nag-aaral para manatili silang pumapasok sa eskuwela, kaysa lumiban para magtrabaho o mamalimos.
© agence france-presse