UN Security Council magpupulong sa Linggo kaugnay ng kaguluhan sa Middle East
UNITED NATIONS, United States (AFP) – Magsasagawa ng isang virtual public meeting ang UN Security Council sa Linggo, upang pag-usapan ang lumalalang sigalot sa pagitan ng Israel at Palestine.
Ayon sa ilang source, ang Estados Unidos na una nang tumanggi sa orihinal na schedule ng pulong na dapat sana ay ngayong Biyernes at nagpanukalang ilipat ito sa mga unang araw ng susunod na linggo, ay sumang-ayon nang gawin ang pulong sa darating na Linggo, sa kahilingan na rin ng China, Tunisia, at Norway.
Una nang sinabi ng US na nais nitong bigyan ng panahon ang diplomasya.
Ayon kay Secretary of State Antony Blinken . . . “We are open to and supportive of an open discussion at the United Nations. I think we’re looking at early next week. This I hope, will give some time for the diplomacy to have some effect.”
Ipinagtanggol ng Estados Unidos ang opensiba ng Israel na pangunahin nitong kaalyado, bilang tugon sa rocket fire mula sa Hamas, ang Palestinian Islamist movement na kumokontrol sa Gaza strip.
Subalit nagpahayag din ng pagka-alarma si President Joe Biden kaugnay ng civilian casualties, at itinulak ang Israel na ihinto muna ang pagpapalayas sa mga Palestinian na nasa Jerusalem, na siyang pangunahing nag-trigger sa kaguluhan.
Si Blinken ay nakipag-usap noong Miyerkoles kay Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu at Palestinian President Mahmoud Abbas, at isang senior State Department official na nakilalang si Hady Amr, ang patungo na rin sa rehiyon.
Sinabi pa ni Blinken . . . ” The US is seeking an end to the violence which continues to claim the lives of innocent children, women and men. We’ve been very clear that rocket attacks must cease.”
Ang Security Council sessions na isinasagawa na sa pamamagitan ng video conference dahil sa pandemya, ay nangangailangan ng suporta ng lahat ng 15 miyembro nito.
Ayon sa militar, nitong Biyernes ay pinaulanan ng Israel ang Gaza ng artillery at air strikes, bilang bahagi ng nagpapatuloy na operasyon laban sa Hamas.
Sa Gaza, higit 100 katao na ang napaulat na namatay mula pa noong Lunes kabilang ang 27 bata, at higit 580 naman ang nasugatan.
Sa loob ng Israel, pito katao na ang nasasawi mula noong Lunes, kabilang ang isang anim na taong gulang na bata, matapos tamaan ng rocket ang isang bahay.
@ Agence France-Presse