UN, umapela para sa $4.3 bilyong tulong sa Yemen
Sinabi ng United Nations na kailangan nito ng $4.3 bilyon ngayong taon upang matulungan ang milyun-milyong tao sa Yemen na nasalanta ng digmaan.
Kakailanganin ng aid agencies ang halaga upang tulungan ang higit sa 17 milyong katao sa bansa, na apektado ng walong taon nang civil war.
Ang hidwaan ay kumitil na ng daan-daang libong buhay at nagbunsod upang maranasan ng pinakamahirap na bansa sa Arabian Peninsula, ang isa sa pinakagrabeng humanitarian tragedy sa buong mundo.
Sinabi pa ng UN, na ang Yemen ay nasa unahan din ng climate crisis, na nakararanas ng matinding tagtuyot at pagbaha na nagbabanta sa mga buhay.
Ayon sa pahayag ng UN, “Record global humanitarian needs are stretching donor support like never before. But without sustained support for the aid operation in Yemen, the lives of millions of Yemenis will hang in the balance, and efforts to end the conflict once and for all will become even more challenging.”
Noong 2015, isang koalisyon na pinamumunuan ng Saudi ang namagitan upang suportahan ang gobyerno, matapos maagaw ng mga Huthi ang kontrol sa kabisera na Sanaa at malalaking bahagi ng bansa.
Isang tigil putukan na nagsimula noong Abril 2 ang natapos na noong Oktubre 2.
Sinabi ni UN chief Antonio Guterres, na dadalo sa gaganaping donor conference sa Geneva, na ang international community ay mayroong “kapangyarihan at paraan upang tapusin ang krisis at magsisimula ito sa pamamagitan ng pagpopondo at agad na pagpapalabas nito.”
Noong isang taon, ang UN ay nakakalap ng mahigit sa $2.2 bilyon upang tulungan ang aid agencies na maabot at mabigyan ng ayuda ang halos 11 milyong katao sa magkabilang panig ng bansa kada buwan.
© Agence France-Presse