Unang araw ng paghahain ng COC para sa 2022 Elections, umarangkada na
Umarangkada na ang unang araw ng paghahain ng Certificate of Candidacy para sa May 2022 National and Local Elections.
Para sa national positions, ang filing ng COC ay ginagawa sa mga tent sa Sofitel Hotel sa Pasay City.
Para sa pagka-Pangulo, unang naghain ng COC si Senador Manny Pacquiao kasama ang kaniyang running mate na si Buhay PL Rep. Lito Atienza.
Ayon kay Pacquiao, napili nya si Atienza bilang running mate dahil sa mahigit 50 taon na nitong pagbibigay serbisyo sa bayan.
Dahil sa may isyu sa PDP Laban, si Pacquiao ay tumatakbo sa ilalim ng PROMDI Party.
Kahit naman mababa ang nakuha sa survey, giit ni Pacquiao, hindi naman ito ang tunay na boses ng mga Filipino dahil marami ang hindi nakasama rito.
Pangalawa namang naghain ng kandidatura sa pagka-Pangulo si Dr. Jose Montemayor na tumatakbo sa ilalim ng Democratic Party of the Philippines.
Bilang isang doktor, abogado at ekonomista, naniniwala umano si Montemayor na malaki ang kaniyang magagawa para masolusyunan ang problema ng bansa na dala ng Covid-19 Pandemic.
Samantala, naghain rin ng COC si Antique Rep. Loren Legarda para muling kumandidato sa pagka-Senador.
Naghain na rin ng kanyang COC si Sorsogon Gov. Chiz Escudero na nais muling bumalik sa Senado.
Ang kaniyang abogado na si Atty. George Garcia ang naghain ng COC bilang kinatawan ni Escudero.
Naghain din ng COC sina dating Pagsanjan, Laguna Mayor Abner Afuang at dating Senate secretary Lutgardo Barbon para kumandidato sa pagka-Senador.
Si Barbo ay kumakandidato sa ilalim ng aniya ay orihinal at tunay na PDP-Laban.
Sakaling palarin sa Senado, isa aniya sa kaniyang isusulong ang reporma sa political party system sa bansa.
Sa Partylist naman, naghain na rin ng COC ang mga kinatawan ng Agap Partylist na sina Cong. Nick Briones at Lala Sotto na anak ni Senate President Vicente Sotto III, Kabayan Partylist, DIWA Partylist at TODA Partylist.
Madz Moratillo