Unang Bagyo ngayong 2021, Nakapasok na sa Bansa, Posibleng Mag-landfall sa Caraga Region sa Linggo ng gabi
Nakapasok na sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang kauna-unahang bagyo ngayong 2021, ang Bagyong Auring.
Alas 8 kaninang umaga nang makapasok sa PAR ang Tropical Depression Auring at inaasahang kikilos sa direksyong kanluran-timog kanluran sa susunod na labindalawang oras.
Pagkatapos nito ay tinatayang magbabago ang direksyon ng bagyo patungong kanluran-hilagang kanluran at posibleng mag-landfall sa Caraga region sa Sabado ng gabi o Linggo ng umaga.
Sa kasalukuyan ay walang epekto ang bagyo sa alinmang bahagi ng bansa. Gayunman, pinapayuhang maghanda sa posibleng pinsala ng bagyo ang mga naninirahan sa Visayas, Bicol Region, MIMAROPA, Caraga, Northern Mindanao, Davao Region, Cotabato, at Lanao del Sur, lalo na ang mga nasa lugar na identified sa hazard maps dahil sa posibleng malakas na mga pag-ulan at hangin na idudulot ng pagdaan ng bagyo ngayong weekend hanggang sa Lunes.
Wala pa namang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) na ipinalalabas ang PAGASA kaugnay ng Bagyong Auring, subalit dapat nang paghandaan ang posibleng pagdedeklara ng TCW Signal Number 1 sa Caraga at Davao Region mula sa Biyernes na magiging dahilan para suspendehin ang paglalayag sa karagatan.
Samantala, magdudulot naman ang Tail-End of a Frontal System ngayong araw ng moderate to heavy rains sa Eastern Visayas, Sorsogon, Masbate, Albay, Catanduanes habang light to moderate na minsan ay malalakas na mga pag-ulan sa Central Visayas, Dinagat Islands, Surigao del Norte, at Bicol Region. Maaaring magkaroon ng mga pagbaha at landslides dahil sa malalakas na pag-ulan.