Unang batch ng bakuna kontra Covid-19, posibleng dumating sa bansa sa Marso 2021
Posibleng sa Marso ng susunod na taon ay masimulan na ang shipment ng bakuna laban sa Covid-19.
Ayon kay Senador Christopher Bong Go, batay na rin ito sa pahayag sa kaniya ni Vaccine Czar Carlito Galvez.
Sinabi ni Go na maraming kinakausap na kumpanya ang Gobyerno ng Pilipinas kung saan isa rito ang Chinese company na Sinovac Biotech.
Posible aniyang sa Marso ng susunod na taon masimulan ang shipment para sa may 25 milyong bakuna para sa mga Filipino.
May on-going talks na rin aniya sa Gamaleya, Pfizer at Johnson and Johnson pero wala pang pinal na kasunduan.
Sa mga kumpanyang ito naman planong kunin ang 20 million dosage ng Covid vaccine.
Nilinaw naman ng Senador na wala naman aniyang itinakdang requirement ang gobyerno kung saan dapat manggaling ang bakuna.
Pero kailangang ito ay pumasa na sa mga pagsusuri, ligtas at epektibo at kaniyang pigilan ang pagkalat ng virus at depende sa availability sa merkado.
Meanne Corvera