Unang batch ng mga aplikante para sa Associate Justice post na binakante ni Chief Justice Diosdado Peralta, nakatakdang sumalang sa JBC interview ngayong araw
Sisimulan na ngayong araw ng Judicial and Bar Council (JBC) ang pagkilatis sa mga aplikante para sa posisyon ng Associate Justice ng Korte Suprema na binakante ni Chief Justice Diosdado Peralta.
Itinakda ng JBC ang public interview para sa unang batch ng mga aplikante mamayang alas – 3:00 ng hapon sa division hearing room ng Supreme Court.
Ang ikalawang batch naman ng mga aspirante ay sa December 18 sa ganap na ika- 9:00 ng umaga.
Kabuuang 15 ang aplikante sa puwesto sa Supreme Court na nabakante matapos maitalaga si Peralta bilang Punong Mahistrado.
Karamihan sa mga ito ay mga Court of Appeals Justices.
Naghain din ng aplikasyon si Court Administrator Jose Midas Marquez at Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang.
Ulat ni Moira Encina